Bakunadong Valenzuelano to Kabataang may diskwento
Anumang hadlang para sa ikabubuti ng mga ka-barangay ay handang solusyunan ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Malanday.
Pinatunayan nila iyan nang bumaba at nag-ikot sila maski sa panahon ng pandemya upang mang-hikayat at turuan ang mga ka-barangay na mag-register sa #VCVax Covid-19 Vaccination Program. Dahil naging rason noon ng mababang registration ng VCVax ang kawalan ng access ng karamihan sa internet at takot sa pagpapabakuna ay umikot sa buong barangay ang SK kasama ang mga volunteers mula sa iba’t ibang youth organization. Bitbit ang kani-kanilang mobile phones, internet at dagdag kaalaman tungkol sa pagpapabakuna ay nakapanghikayat sila ng mga registrants upang maging ganap na Bakunadong Valenzuelano. Ang ilan namang hindi makapag-register dahil hindi ma-recover ang kanilang Valtrace Account ay natulungan din na makuhang muli ang kanilang password sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng SK sa Valtrace Support ng Valenzuela City.
Maging ang KK Malanday ID na bagong-bago sa paningin at pandinig ng mga kabataan ay inilapit din ng konseho. Binahay-bahay nila ang mga kabataan kasama pa rin ang volunteers mula sa mga youth organizations. Bukod pa nga sa bitbit nilang white background para sa 2x2 picture na kasama sa profile ng mga kabataan ay baon din nila ang pang-malakasang panghihikayat upang makumbinse ang mga kabataan na magkaroon ng valid ID at maging eligible para sa discounts na handog ng partner establishments. Kaya naman matapos ang pagsisikap ng konseho, youth volunteers at suporta mula sa barangay council ay nakapagtipon kaagad sila ng higit sa isang libong dagdag na registrants sa loob lamang ng apat na buwan at ngayon sa kasalukuyan ay may higit tatlong libong registrants na at patuloy pang lumalago!
Ilan lamang iyan sa mga patunay na handang suungin at paghandaan ng SK Malanday ang lahat para sa ikabubuti at ikasasaya ng mga kabataan ng barangay.