Nang ianunsyo sa bansa ang Community Quarantine ay nalungkot
ang karamihan higit lalo ang Sangguniang Kabataan dahil kasabay nito ang
pagpapaliban ng mga ihinandang proyekto na para sana sa mga kapwa kabataan.
Dahil rito ay hinikayat ng lokal na gobyerno ang mga SK na mag-isip o lumikha
ng proyektong makatutulong sa mga kabataan kahit sa mumunting paraan lamang.
Agad namang nagpulong ang SK Malanday at dahil na rin sa kagustuhan nilang
makapaglingkod at makapag-bigay saya sa mga residente ng Malanday ay nabuo ang
proyektong Quaranthings-To-Do.
Ang
QuaranThings-To-Do: Photo Challenge of the Day ay isang proyekto kung saan ang
mga residente ng Malanday ay malayang makikiisa kahit na sila ay nasa
kani-kanilang tahanan lamang. Napapanahon din dahil sa panahon ng quarantine ay
palaging nakasubaybay ang karamihan sa kanilang facebook. Madali lamang din ang
pagsali rito kaya naman mula sa 33 na kalahok sa unang episode noong April 16,
2020 ay umabot ito ng higit sa 300 sa huling episode noong April 23, 2020 dahilan
upang agad na magkaroon ng mas pinasayang Season 2 na nagsimula noong May 3,
2020 hanggang May 15, 2020. Ang mga premyong ipinamahagi sa mga nanalo sa unang
season ay mula sa sariling bulsa ng konseho at nakatutuwa namang sa season 2 ay
dinagsa ang Quaranthings-To-Do ng tulong mula sa mga sponsor.
Dahil pa
nga sa mainit na pagtanggap at pagtangkilik ng mga ka-barangay sa proyektong
ito ay nakarating sa programang Pambansang Almusal ang balita at nabigyan ng
pagkakataon ang SK Malanday na maibahagi ito noong May 7, 2020. Nagpasalamat
sila sa pagpapa-unlak ni SK Chairman Mark at hinikayat na ipagpatuloy ang
gawaing ito na layon ay makatulong at magbigay-saya sa mga taga-Malanday. Kaya
naman bilang tugon, noong June 17, 2020 ay sinimulan ang Quaranthings-To-Do:
Bulilit Edition kung saan mga mag-aaral naman ng Day Care Malanday ang nabigyan
ng gawain at kaunting regalo. Ikinagalak din ito ng mga magulang dahil sa
kaunting panahon ay nagkaroon ng mapaglilibangan ang kanilang mga anak.
Sumapit
pa nga ang panahon ng kapaskuhan at siyempre ay hindi ito pinalampas ng SK
Malanday. Dito, ibinuhos nila ang pamimigay ng premyo dahilan upang umabot ang
mga kalahok sa higit 500. Muling naging mainit ang pagtanggap ng mga residente
ng Malanday at inulan ng pasasalamat ang konseho. Nakatataba ng puso ang mga
papuring natanggap ng konseho kaya naman hindi natapos ito sa taong 2020 dahil
nito lamang April 15, 2021 ay sinimulang muli ang Quaranthings-To-Do:
Anniversary Special at magpapatuloy itong magbigay-saya hanggang sa Araw ng Kapistahan
ng Barangay Malanday.
Dumaranas man ng pandemya ang mundo sa kasalukuyan at nananatili pa rin ang bansa sa Community Quarantine ay nagagalak naman ang SK Malanday na kahit sa mumunting paraan ay nakapagbigay-saya sila sa mga residente ng Malanday bilang saglit na pagtakas sa sitwasyong kinahaharap ng lahat. Bilang ganti, ipinapangako naman ng konseho na hindi rito matatapos ang paglilingkod sa mga mamamayan at sisikapin pang mag-isip ng mga panibagong pakulo na muling magpapasigla sa mga kabarangay.
//SKS Mara Sindac